PASKO!

Pasko na naman! Parang kailan lang yung ikalawang nabigong impeachment kay Gloria, ngayon, nalibing na ang ikatlo. Ang bilis talaga ng panahon.

Malaki ang posibilidad na hindi birhen si Maria kundi isang ordinaryong ngunit napakabuting tao (katulad ni Jose, na kanyang asawa). Ang ‘virgin birth’ ay isang karaniwang mito ng iba’t ibang relihiyon bago pa man ang kristiyanismo. Malaki rin ang posibilidad na hindi Disyembre 25 ipinanganak si Hesus. May kinalaman ang petsang ito sa winter soltice-isang paganong pista ipinagdiriwang ang muling pagkapanganak ng Diyos na Araw-at ang pagkamatay naman ng daigdig na muling mabubuhay sa Ostara (unang araw ng tagsibol o spring).

Subalit ano man ang tamang petsa-pwede naman kahit na kailan- ang mahalaga ay ipinanganak ang Diyos-naging tao-kaya dapat may pasko. Dapat, ipagdiwang. Bakit? Sino ang hindi magdiriwang sa katotohanang, sinamahan tayo ng Diyos sa buhay na ito? Isang napakahalagang araw ang pagtatayong ito ng tent ng Diyos kasama natin-kaya tinatawag siyang Emmanuel-kasama natin! Mayroon bang ganitong Diyos? Wala. Siya lang. Kakaiba. Nakakabilib! Kayat magsaya tayo-kasi Pasko!

Ngunit, sandali. Bago tayo rumagasang magdiwang, ilagay natin sa konteksto ng ating pampamilya, pambansa at pandaigdigang konteksto ang ating Pasko.

Inamin na ng bansang Hapon na ito ay nasa recession-isa sa pinakamalala. Ang Europa, inamin na rin na ang buong rehiyon ay nasa recession. Tinatayang 2milyon ang mawawalan ng ttrabaho sa Britanya sa susunod na taon. Nitong nakalipas na 3 buwan, marami na ang naalis sa trabaho, lalo na ang mga kababayan nating naroon. Ang Amerika, hindi pa malaman ang gagawin sa kanilang kabuhayan. Nalilito. Nag-babangayan. Pinasa na ang 700B bailout ng mga bangko. Ngunit tinanggihan ang 400B bailout sa automakers. At nanlulumo at naninikluhod ang mga kumpanya ng kotse at sasakyan. Lalo na ang mga manggagawa sa industriya.

Dito sa atin, maraming ofw mula sa Taiwan at Gitnang silangan ang umuuwing luhaaan. Mayroon namang inalis na sa trabaho ngunit di pa umuuwi dahil nakikiupagsapalaran pang baka makahanap, kahit arawan. At ayon sa kanilang, marami pa raw ang pauuwiin. Sa isang pabrika sa Taiwan, sabi ng isang manggagawa, takutan ang nangyayari. Kapag pauuwiin, ikukulong sa kwarto, kukunin ang celfon-at mabilisang pasasakayin ng eroplano ()upang hindi makapasumbong) Dahil hindi pa tapos ang kontrata. Inuuna ang mga bagong dating. Upang walang babayarang separation pay.

Ito ay bukod pa sa dati nang walang trabaho sa ating bansa. Na nananatiling double digit. Dagdag pa ang mga under-employed-ang mga taong minsan minsan lang may trabaho. Na halos aabot ng 20% ng ating lakas-paggawa.

Huwag nating kalilimutan, na bagaman bumaba ng halos kalahati ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, at kahit paano ay bumaba ang presyo ng lpg, langis at pamasahe (ng .50 c!), tumaas naman ang kuryente, tubig at iba pang bilihin. Habang santambak na advertisement ang MERALCO sa napakaliit na pagbawas sa presyo ng kuryente, sobrang taas naman ang pinatong sa tubig. Ang mga Lopez talaga! Nakalimot nang kung hindi sa people power noong 1986, hindi nila mababawi ang ABS at Meralco sa gobyerno ni Marcos. Ngayon-puro kita na lang ang nasa isip-at kaunting limos sa pamamagitan ng abulkoy sa mga bata, kasama pa ang Gawad-kalinga! Totoo na medyo bumaba na ang presyo ng bigas mula noong krisis, ngunit ang lahat ng bilihin lalo na sa groceries ay hindi tumitigil sa pagtaas.

Iba’t ibang sakripisyo ang ating magsasaka. May naglakad mula Bicol hanggang Maynila. May nag-ayuno nag higit sa kalahating buwan. May naglakad mula Calatagan hanggang kongreso. Hindi mabilang ang mga sumuporta. May obispo at ilang paring nakiisa sa hunger strike. Ngunit awa ng Diyos, isang walang kakwenta-kwentang resolution ang ipinasa ng mga manhid, sugapa at parang walang kaluluwa nating mga kongresista at senador. Prinotektahan ang kanilang mga lupain, hindi bale nang mamamatay sa gutom ang mga magsasaka! May mahihiling pa ba tayo sa ating butihin at kagalang-galang na kongreso?

Huwag na nating isali sa usapan ang malacanang. Talagang kay Gloria lamang ang gloria. Yan naman ang batas sa yungib ng mga ahas.

Ngayong taon, anong mga sakit o pahirap ang ating inilatay sa damdamin, puso at kalooban ng ating mga kasama sa pamilya. Sa ating mga anak. Sa ating mga tinatawag na mahal sa buhay. O napunan ba natin ng haplos ng pagmamahal ang ating mga kasama, kaibigan at mahal sa buhay? Sana.

Kaya ang pasko ay paghingi ng kapatawaran.

Sa ating mga sakit na idinulot sa ating mga mahal sa buhay.

Sa ating pagwawalang bahala sa hirap, hilahil, sugat ng ating bayan.

Sa ating pagkibit-balikat samantalang garapalan tayong ninanakawan ng mga negosyante at pamahalaan.

Sa ating patuloy na pagkamakasarili.

Sa ating kakulangan ng sinop at komitment sa paglilingkod

At pagkakasya sa pwede na yan, kaysa lubusin ang sinop sa anumang ginagawa lalo na sa paglilingkod sa bayan, at pag-aaruga ng pamilya.

Samantala, ang Pasko rin ay pagdiriwang

Ng ating tapang sa pakikipagsapalaran sa buhay;

Ng ating pagsisikap na makiisa sa pakikibaka ng magsasaka, manggagawa at maralita

Ng ating tapang na humingi ng tawad sa mga pagkakamali

Ng ating pag-amin sa ating mga kakulangan

Ng ating mga munting haplos ng pagmamahal at pag-aaruga

Ng ating patuloy na bigyang saysay ang buhay at kasaysayan ng bayan.

Ang krisi na ating dinadanas, at mukhang lalo pang lalala sa darating na taon ay pangako ng pag-asa- oportunidad upang lubos na iwaksi ng bayan ang nakagawian �Vnang walang taros na korapsyon, mapaniil at mapang-aping sistema ng negosyo-sa labas at loob ng pamahalaan, at ang mapantakas nating kultura ng wowowee at eat bulaga, ng lotto at raffle-

Upang ipanganak, tulad ng bagong tagsibol at taniman, ng isang bagong ani-isang bagong kaayusan na kung saan ang mga paninindigan ni Maria at Zakarias ay mahahawan:

“…pinatalsik Niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala.

Binusog Niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang wala-wala ang mga mayayaman.”

(Awit ni Maria, Lukas 1:52)

“.. Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno

at inalala ang kanyang tipan

ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham

na ililigtas tayo sa kamay ng mga kaaway

upang walang takot natin siyang mapaglingkuran

nang may kabanalan at katarungan….”

(Awit ni Zakarias, Lukas 1:72-75a)

kaya,

isang mapagpalang Pasko

at mabiyayang Bagong Taon sa ating lahat!

–mula kay ka arcy–

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: